OFW: Sino Nga Ba Sila?

Ang kanilang napakalaking ambag sa bayan ay hindi lamang mababakas sa mga numero at estatistikong pang-ekonomiya. Ang kanilang mga karanasan na habambuhay nang nakasulat sa mga pahina ng ating kasaysayan at panitikan, pati na rin ang ating mga batas na naglalayong pangalagaan ang kanilang karapatan ay patunay lamang na malalim nang nakabaon sa ating pambansang kamalayan ang presensya ng mga OFW. Sa kabila nito, limitado pa rin ang ating pagkakakilala sa kanila sa mga pinagtagpi-tagping ulat ng telebisyon, pahayagan, at internet kung kaya, nananatili pa rin tayong mailap sa kanilang mga hinaing at daing.

Sa mahigit isang buwan kong pamamalagi sa Center for Migrant Advocacy, nagkaroon ng mukha at boses ang mga OFW sa aking kamalayan; higit pa rito, mas nakilala ko rin sila sa mas personal na lebel. Natutuhan kong tingnan ang mga OFWs hindi bilang mga “bagong bayani ng bayan” kung hindi bilang mga magulang o anak na nagtitiis sa ibang bansa upang may maipangtustos sa kanilang pamilya. Napagtanto ko na bago pa man sila nagging OFW, sila ay mga mapagmahal na miyembro ng kani-kanilang mga pamilya. Nakalulungkot nga lang isipin na ang katauhang ito ng mga OFW ay hindi madalas itinatampok ng media; kung kaya, tila ba nananaig ang kanilang “pagkabayani” at “kadakilaan” kay sa kanilang katayuan bilang isang sector na nangangailangan ng natatanging tulong at suporta.

Noong ikaw-26 at 27 ng Hunyo ay ginanap ang Case Conference at Roundtable Discussion kung saan nagtipun-tipon ang iba’t-ibang kawani ng pamahalaan pati na rin ang mga samahan ng OFW upang talakayin ang mga kasalukuyang programa para sa mga OFW pati na rin ang kanilang kasalukuyang katayuan. Sa kauna-unahang pagkakataon ay narinig ko nang personal at mula mismo sa mga dating OFW ang mga hinaing at daing ng ating mga kababayang nangingibang bansa. Malaki ang pagkakaiba sa pagitan nang pakikinig sa kanilang mga kwento at sa basta lamang pakikinig o pagbabasa ng mga ulat sa media tungkol sa kanila. Sa pagkakataong iyon, nabigyan ng laman at katauhan ang mga OFW sa aking kamalayan. Hindi lamang sila mga simpleng “modernong bayani” kagaya ng karaniwan nating bansag sa kanila. Sa katunayan, nasaksihan ko kung gaano sila karupok at nangangailangan ng patuloy na suporta at tulong.

Napagtanto ko rin na tunay ngang napakasalimuot ng usapin ng pangingibang-bansa. Dahil dito, nangangailangang magtulungan ng pampubliko at pribadong sector upang mahusay na matugunan ang pangangailangan ng at mapagsilibihan ang ating mga kababayang nangingibang-bansa. Sa pamamagitan nito, namulat ako sa kadakilaan ng iba’t-ibang mga samahan na walang sawang nangangalaga at nagsisilbi sa ating mga makabagong bayani. Hindi maikakaila ang kanilang napakalaking papel sa pagpapabuti ng katayuan ng ating mga kababayang nangingibang bansa.

Bagaman hindi sapat ang isang buwan upang lubusang maunawaan ang paksa ng migrasyon, mas naging malinaw sa akin ang kalagayan at karanasan ng ating mga OFW. Simula ngayon, hindi na lamang sila mga paksa sa media o estatistika sa mga ulat ng pamahalaan o mga makabagong bayani; sila ay una at higit sa lahat isang magulang, anak, at kapatid.


Si Josef Doquesa ay isang estudyante mula sa Ateneo de Manila University na nag-aaral ng Diplomacy and International Relations. Namalagi siya sa CMA ng higit sa isang buwan bilang intern noong June-July 2018.

Advertisement