Ang pangingibang-bansa ng mga manggagawa ay isang kasalukuyang pandaigdigang isyu na hindi natin maaaring isantabi at ipagwalang-bahala. Habang ipinagdiriwang natin ngayon ang kadakilaan ng ating mga manggagawa na nangingibang-bansa, nanawagan din tayo na paigtingin pa ang pangangalaga sa kanilang kapakanan at pagprotekta sa kanilang mga karapatan. Anuman ang kanilang katayuan—dokumentado man o hindi—ay nananatili silang mga tao na may mga karapatan. Ang kanila ding ambag sa paglago ng pandaigdigan at pambansang ekonomiya ay hindi maitatatwa. Nararapat lamang na dinggin ang kanilang mga hinaing.
Naging mahalaging salik ang kuwento ni Flor Contemplacion upang isabatas ng kongreso ang Republic Act 8042 na kilala rin sa tawag na “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995” noong ika-7 ng Hunyo 1995. Upang gunitain ang makasaysayang pagpapasa ng nasabing batas ay idineklara ang ika-7 ng Hunyo ng bawat taon bilang Pambansang Araw ng mga Migranteng Manggagawa.
Bagaman umasa ang buong bansa na hindi na kailan man mauulit pa ang sinapit ni Flor Contemplacion ay nito lamang nakalipas na taon ay gumimbal sa atin ang kuwento ni Joanna Demafelis na natagpuang isinilid sa isang freezer sa Kuwait matapos ang kanyang halos dalawang taon na pagkawala. Ang mga naitatalang kaso ng panga-abusong na nararanasan ng ating mga kababayan ay hindi dapat ituring bilang mga magkakahiwalay na kaso; bagkus, ay dapat silang ituring bilang mga bahagi ng isang malupit at mapang-aping sistema. Kung kaya tinatawagan naming ang pamahalaan na tingnan at suriing mabuti ang masalimuot na realidad ng pangingibang-bansa at paigtingin pa ang kampanya laban sa panga-abuso sa ating mga kabayan.
Hinihimuk din naman ang pamahalaan na pag-ibayuhin pa ang pagpapatupad sa nilalaman ng RA8042 pati na rin ng mga kaugnay na batas na RA9422 at RA10022. Bagaman itinuturing na modelo ang pagpupunyagi ng Pilipinas sa pangangalaga at pagprotekta ng mga manggagawang migrante, nananatiling isang malaking hamon ang mabisang pagpapatupad ng mga batas at patakaran. Ito ay dahil na rin sa patuloy na paglaki ng bilang ng mga manggagawang nangingibang-bansa. Gayun din, dapat tiyakin na ang mga batas at patakaran ay tumutugon sa mga tunay na pangangailangan ng mga manggawang migrante habang isinasaalang-alang ang mahalaging usapin ng kasarian.
Nananawagan din ang CMA sa pagpapasa ng isang komprehensibong plano at programa para sa ating mga kababayan napilitang mangibang-bansa dala ng kakulangan sa disenteng trabaho dito sa Pilipinas. Kalakip ng pangangalaga at pagprotekta sa kapakanan at karapatan ng mga manggagawang migrante ay ang pagpapabuti at pagpapainam ng mga kondisyon ng paggawa sa bansa. Ang pangingibang-bansa ay hindi dapat gawing sandigan ng ating pambansang ekonomiya.
Nawa’y pakinggan at suportahan ng pamahalaan at ng iba pang mga sector sa lipunan ang aming mga nabanggit na hinaing. Makiisa tayo sa pagpupunyagi ng ating mga kababayang manggagawang migrante na nagtitiis alang-alang sa kanilang pamilya, pamayanan, at bayan. Sila ay mga nilalang na may dignidad at tinatamasang mga karapatan na dapat igalang, pangalagaan, isakatuparan.
Ipatupad ng maigi ang lahat ng probisyon ng Magna Carta para sa mga Manggagawang Migrante!
Pakinggan at ipagdiwang ang boses ng mga migrante! Igalang, pangalagaan, at isakatuparan ang mga karapantan ng mga manggagawang migrante!